Tuesday, September 15, 2009

Ang Kambal at ang Regalo

ni: Princess Regine Andres

Maligaya sina ginoo at ginang Angeles dahil nagkaroon sila ng kambal na anak. Ito ay sina Akisha at Shakira. Parehong taglay ang kakaibang kagandahan. Sila rin ay parehong magaling at matalino sa kanilang klase. Marami na silang natamong karangalan. Halos lahat ng bagay ay pareho sila maliban lang sa isang bagay ito ay ang ugali.
Kambal nga silang dalawa ngunit iba ang kanilang mga ugali. Si Akisha ay mabuting dalaga at magalang siya kahit kanino. Siya ay mapagkumbaba. Hindi siya mapili ng kinakaibigan mayaman man o mahirap basta mabait kaibigan niya ito. Hindi niya ginagamit ang kanyang pagiging mayaman ng kahit ano. Masinop siya sa paggasta ng kanyang pera. Samantala si Shakira ay ubod ng maldita. Siya ay suplada at mayamang tulad niya ang kanyang kaibigan. Mahilig siyang gumasta ng kahit hindi mahalagang gamit gaya ng mahal na damit, branded na sapatos at iba pang nakakapagpasaya sa kanya.
Isang gabi habang sila’y naghahapunan kasama ang kanilang mga magulang ay biglang nagsalita si Shakira.
“Ma, Pa, kailangan ko ng pera wala na kasi akong pera.” Ang sabi niya na walang pag- aalinlangan.
“Bakit wala ka nang pera? Binigyan naman kita ng buo mong alawans ngayong buwan?” galit na tanong ng kanyang ama.
Hindi agad nakapagsalita si Shakira ngunit sa huli ay nakaisip siya ng dahilan. Sinabi niyang marami siyang babayarin sa kanilang paaralan.
Nagulat si Akisha sa sinabi ng kanyang kapatid dahil sa kanyang pagkakaalam ay wala pa silang binabayaran kahit sentimo. Kaya nga tinanong ng kanyang ama kung totoo nga ang kanyang sinabi ngunit nagsinungaling siya upang hindi mapagalitan at mapasama ang kanyang kapatid. Sa sagot ni Akisha ay naniwala na ang mag- asawa. Dahil lahat ng mga sinasabi ni Akisha ay agad silang naniniwala dahil alam nilang siya’y mabuting anak.
Isang araw naisip ng mag-asawa na malapit na pala ang kaarawan ng dalawa. Nagpasya sila na magkaroon ng sorpresang party para sa kanilang mga anak.
“Ano pala ang regalo natin sa kanila?” ang tanong ni G. Angeles sa kanyang asawa.
“Kay Akisha wala tayong problema, kung ano ang ibigay natin sa kanya masaya na siya. ” sagot niya.
“Paano si Shakira?” dagdag na tanong ni G. Angeles.
Hindi na nakasagot si Gng. Angeles kundi napatingin siya sa taas at biglang ngumiti. Napaisip ang kanyang asawa kung ano ang ginagawa ni Gng. Angeles.
Dumating na nga ang araw ng kanilang kaarawan. Sina Akisha at Shakira ay masayang- masaya sa sorpresang ibinigay ng kanilang mapagmahal na mga magulang. Nakabihis ng mapulang bestida na napapalanutian ng mga kumikislap na mga bato si Shakira samantala simpleng puting bestida lang si Akisha.
Maraming bisitang dumating sa party na iyon at mga mayayaman ang karamihan, may kaunting mahihirap na mga bisita lamang ni Akisha.
Oras na para ibigay na ang kanilang mga regalo. Ipinatawag ng kanilang magulang sina Akisha at Shakira. Hindi maipinta ang kaligayahang nadarama ng magkapatid.
At nang nasa loob na sila ay nandoon ang dalawang kahon na magkaiba ang balot na nakalapag sa salamin nilang mesa. Ang isang kahon ay nabalutan ng magandang disenyo at talaga namang makaagaw ng pansin, at ang isang kahon ay ordinaryo at simpleng balot lamang.
“Ma hindi niyo pa ba ibibigay ang regalo niyo sa amin?”ani ni Shakira.
Nagsalita ang kanilang ina, siya ay tumayo at sinabing,
“Hindi ako ang mismong magbibigay ng iyong mga regalo, narito ang dalawang kahon at kayo ang bahalang mamili nito.”
Gaya nga ng kanilang inaasahan si Shakira ang unang namili at pinili niya ang magandang kahon dahil sa palagay niya maganda rin at mamahalin ang laman nito. Walang nagawa si Akisha kundi kunin ang naiwang kahon at kahit naman siya ang mauuna ang simpleng kahon pa rin ang kanyang pipiliin.
Sabay na nilang binuksan kung ano ang laman ng kanilang mga piniling regalo. Hindi mawala ang ngiti sa mukha ni Shakira. Pagkabukas niya nito ay nagulat siya sa laman ng kanyang regalo. Isang alkansya na dahilan ng pagkawala ng kanyang kasiyahan samantala isang maganda at nagniningning na kwitas kay Akisha.
Napaisip si Shakira kung bakit niyon ang bigay sa kanya na regalo at pagkaraan ng ilang minuto napagtanto niya at sabay sabing, “Kaya naman pala.”
Si Akisha naman ay masaya sa kanyang natanggap na regalo ngunit hindi niya ito ipinagmamayabang sa kanyang kapatid at kahit kanino man.


Hindi sa panlabas na anyo nakikita ang kagandahan ng isang bagay o isang tao.

No comments:

Post a Comment