“Mommy bilhan mo nga ako ng laptop, I need it for my studies and nasira na pala ‘yung watch ko. Please buy me a new watch mom,” demanda ni Ireen sa kanyang mommy.
Siya ay ipinanganak na may mataas na antas ng pamumuhay at nakatira sa loob ng isang subdibisyon. Nag-iisa siyang anak ngunit maaga siyang naulila sa ama. Apat na taong gulang ito ng mamatay ang kanyang daddy. Kasama siya sa mga nasawi sa pagbagsak ng eroplano ngunit maswerteng natagpuan parin ang kanyang bangkay. Ang kanyang mommy ang nagpatuloy sa nasimulang negosyo ng kanyang daddy, isang bake shop. Maswerte siya dahil isa siya sa mga kabataan na nakukuha lahat ng anumang bagay sa isang iglap lamang. Hindi niya alam ang importansya ng pera at kung ano ang mga mas-importanteng bagay na mabibili at paggagamitan nito.
Isa siya sa pinakamayaman sa kanilang paaralan at natamo nito ang korona ng “Ms. It girl of the Year”. Marami siyang mga kaibigan na mayayaman din at maraming lalaki ang nahuhumaling sa gandang angkin nito. Ngunit sa likod ng maaliwalas nitong kagandahan ay kabaliktaran ng kanyang personalidad. Isa siyang “spoiled-brat”, suplada, party girl at ubod ng arte. Gusto niyang lahat ng hangarin niya ay nasusunod at nakukuha nito.
Ngunit isang araw ay nagbago ang lahat ng itinakbo nila ang kanyang mommy sa ospital dahil sa pag-atake ng kanyang puso. Takot na takot siya na baka maulit muli ang nangyari noon sa kanyang daddy. Nagtagal ang kanyang mommy ng isang linggo na nakaratay sa ospital at unti-unti naring nauubos ang kanilang mga pera. Naglakas loob siyang umutang sa kanyang malalapit na kaibigan ngunit kakaunti lamang ang tumulong. Kahit labag sa kanyang kalooban ay ibinenta niya ang kanyang laptop, cellphones, gadgets at mga hindi na nagagamit na mga damit nito. Kahit kaunti naman ay nakaipon ito.
“Ireen, bakit mo binenta lahat ng mga gamit mo? Sana pinabayaan mo nalang na ako ang maghanap ng paraan para mabayaran ko lahat ng gastusin dito,” wika ng kanyang mommy.
“Mom, wala na tayong pera. Unti-unti nang nauubos ang ipon natin sa bangko kaya nagbenta nalang ako. Napag-isipan kong hindi naman masyadong importante ang mga iyon kapalit ng iyong kalusugan. Pwede parin naman akong makabili ng mga ganoon sa tamang panahon. Siguro nga’y dapat ang mga mahahalaga muna ang bigyan ko ng pansin, at ‘yun ay ang pag-alaga ko po sa inyo,” naluluhang sabi nito sa kanyang mommy habang hinahawakan nito ang kanyang kamay.
At ngayon ay bumubuti na ang kanyang mommy at unti-unti narin silang nakakabayad sa kanilang mga utang. Nagsisimula na ulit na lumago ang kanilang negosyo at unti-unti na rin silang nakababangon.
Ngunit nagbago na rin ang pagkatao nito. Isa na siyang nakakakuha ng mga parangal sa akademiko at nakikilahok din siya sa nagkakawanggawa. Nagbibigay siya ng konting mga tulong. Hindi narin siya lumalabas para maglakwatsa kundi nagbabasa nalang sa kanyang mga leksyon.
Malaki ang pinagbago niya simula ng maatake ang kanyang mommy dahil napagtanto niya na ang kahalagahan ng pera ay wala sa yaman kundi nasa pagkatao ng humahawak nito.