Sunday, March 14, 2010

Ang Kambal

ni: Karen Baraoidan

Sa bayan ng San Lorenzo, may mag-asawang pinagkalooban ng anak. Sina Samantha at Nichole ang kambal na babaeng anak ng mag-asawang G. Alfredo at Gng. Elizabeth Funtanilla.
Walang labis walang kulang ang pagkakahawig ng kanilang kambal. Sa mukha, sa kutis, sa tangkad, sa buhok at iba pa. Ngunit habang sila’y lumalaki, dito nakikita ang tunay nilang kaanyuan o “ugali.”
Ipinasok ng mag-asawang Funtanilla ang kanilang kambal na anak sa isang pribadong paaralan.
Sa kanilang dalawa si Nichole ang may pinakamagandang pag-uugali. Siya ay mabait, mapagbigay, mapagtimpi, magalang at higit sa lahat magaling. Ito naman ay kasalungat kay Samantha. Siya ay mayabang, tamad, mapagkutya, palaaway at walang pagseseryoso sa kanyang pag-aaral.
Sa paaralan labis ang pagkainggit ni Samantha kay Nichole, dahil sa ipinamamalas niyang katalinuhan. Kaya dito nagsimula ang hidwaan sa pagitan nilang magkambal.
Isang araw sa silid-aralan kung nasaan ang magkambal. Pumasok ang pangulo ng paaralan, “Good morning students, pumunta ako ngayon dito para sabihin sa inyo na may magaganap na tagisan ng talino sa pagkanta. Sino ang interesado sa inyo?” Nagtinginan ang magkambal, at nagtaas ng kamay si Samantha sabay titig kay Nichole at sinabi “Sir gusto ko pong sumali.” Nagtaka ang lahat, “Oh! Ms. Samantha Funtanilla, how about your kakambal Ms. Nichole?” Sumagot si Samantha “Si Nichole sasali eh hindi nga siya marunong kumanta. Tapos pasasalihin ninyo siya? Hay naku wag na” sabay tawa ng malakas. Hndi nakapagsalita ang Ginoo. At ngumiti lamang si Nichole at tinimpi ang galit na nararamdaman sa pang-iinsulto ng kanyang kakambal.
Araw-araw na nag-eensayo si Samantha. Halos mabulabog ang kanilang mga kapitbahay sa lakas ng kanyang pagpapatugtog.
Pagkaraan ng ilang araw sumapit na ang araw ng kompetisyon. Sabik na sabik si Samantha. At pumunta na sila sa paaralan kung saan gaganapin ang kompetisyon. Naiwan si Nichole sa kanilang bahay. Nang magsimula na ang programa nagkaroon ng problema si Samantha, sumabit ang kanyang lalamunan, ayaw lumabas ng boses niya at sisya’y napipiyok. Labis ang pag-aalala ng kanyang mga magulang. Kaya tinawagan ni Mrs. Funtanilla si Nichole. Habang nanonood si Nichole nag ring ang kanyang cell phone “Hello Ma bakit po? Tapos na po ba? Sinong nanalo?” Tanong ng dalaga at sumagot naman ang ina “Anak pumunta ka ngayon dito suotin mo yong damit na binili ko mamaya na ako magpapaliwanag, bilisan mo.” At binaba na ni Mrs. Funtanilla ang phone. At nagbihis nga si Nichole at pumunta sa kompetisyon.
Nang makarating na si Nichole pumunta siya agad sa likod ng stage kung nasaan ang kanyang mga magulang. At biglang tinawag ang pangalan ni Samantha. Kaya kinausap ni Mrs. Funtanilla si nichole na siya na ang pupunta sa entablado para kay Samantha. Sumunod naman si Nichole na kinakabahan at parang tanga na pumupunta sa entablado. At biglang may tinig na sumigaw “Anak kaya mo yan.” Paulit ulit na isinigaw ng kanyang ina.
Ginawa lahat ni Nichole ang kanyang makakaya. At matagumpay naman niya itong kinanta. Nagpalakpakan ang lahat at nagsigawan ang lahat “Samantha!, Samantha! Ang galling mo” Ngumiti lamang si Nichole sa kanilang isinisigaw. Labis ang pagkamangha ni Samantha sa kanyang narinig at nasaksihan. Para siyang natutunaw sa kanyang kinaroroonan. Hindi niya namalayang tumutulo na ang kanyang luha sa mukha. Pagkatapos kumanta si Nichole ay dali-dali itong bumaba sa entablado at umuwi na sa kanilang bahay. At maya-maya pa’y tinawag na nila ang nanalo. Sa mga tatlong tinawag niya wala pa doon ang champion. “And now ladies and gentlemen the winner is none other than Ms. Samantha Funtanilla.” Labis ang kasiyahan ng mag-asawa ngunit si Samantha ay nakokonsensya dahil alam niyang hndi siya yun. Kahit ganoon ang kanyang nararamdaman, para hindi siya mapahiya kinuha parin niya ang award.
At nang matapos na ito umuwi na ang mag-anak. Ngunit si Samantha ay tahimik lamang. Nadatnan nila si Nichole na nanonood ng TV. Nahihiyang lumapit si Samantha kay Nichole. “Nichole sorry sa mga nasabi ko, labis kitang kinutya, labis ang paghuhusga ko sa iyo. Sana mapatawad mo ako sorry talaga di na mauulit.” Walang nagawa si Nichole kundi patawarin ang kanyang kakambal.
Simula noon naging mabait na si Samantha. At nagkaroon sila ng magandang pagsasamahan at palagi na silang nagsasama sa mga katuwaan ng kanyang kakambal.

Aral:
• Huwag maliitin ang kakayahan ng iba
• Huwag mangutya
• Labis na paghanga sa sarili ; Huwag maging mapagmalaki

Ang Dalawang Anghel

ni: Queenie Rose S. Corpuz


Sina Anghel Cirrius at Anghel Cumulus ay naglalakbay. Napansin ni Anghel Cumulus na aabutan na sila ng dilim at nagpasyang makisuyo sa isang malaki at magandang bahay na kanilang nadaanan. Pagkatok ay pinagbuksan sila ng lalaking may-ari.
Anghel Cirrius: “Magandang gabi po. Maaari po ba kaming makapagpalipas ng gabi sa inyong bahay?”
Lalaki: “Ay naku! Wala na kasi kaming ekstrang kwarto kaya sa ibang bahay na lang kayo pumunta (sabay sara ng pinto.)”
Nagkibit balikat na lamang na umalis ang dalawang anghel. Napansin ni Anghel Cumulus na may inayos na sirang sahig sa bakuran ng malaking bahay si Anghel Cirrius bago sila umalis.
Sa kanilang paglalakad ay may nakita ulit si Anghel Cumulus na isang maliit at maralitang kubo at baka sakaling pasisilungin sila ng may-ari. Pagbukas ng pinto, nakita nila agad ang mag-asawa at dalawang maliliit nitong mga anak.
Ina: “A ganun ba? Oo nga’t lumalalim na ang gabi. Naku sige pasok kayo. Dito na kayo sa aming kwarto at pagpasensyahan nyo na ang aming maliit na papag.”
Nagpasalamat at nahiga ang dalawang anghel. Nauna nang nakatulog ng mahimbing ang isa. Si Anghel Cirrius ay nagpahangin muna sandal ng mapansin ang kalabaw ng mag-anak bago tuluyang natulog. Kinaumagahan ay nagising na lamang ang dalawa nang madinig ang malakas na iyak ng mag-anak. Sa kanilang paglapit ay nakita nilang namatay na noong gabing iyon ang kaisa-isang kalabaw ng mag-anak na siyang tanging pinagkukunan ng kanilang ikabubuhay.
Hinatak papalayo ni Anghel Cumulus si Anghel Cirrius sabay sabing, “Ano ka ba naman Cirrius. Hindi mo man lang pinigilan ang pagkamatay ng kalabaw samantalang pinatulog tayo ng maralitang mag-anak na ito sa kanilang bahay ng buong puso at pinatuloy pa sa kaisa-isa nilang papag at sila ay sa sala. Tapos doon sa malaking bahay, pinagtabuyan tayo pero nakuha mo pang ayusin ang sirang sahig sa kanilang bakuran…”
Anghel Cirrius: “Mali ka Cumulus. Kagabi ay bago ako matulog ay nakita ko ang anghel ng kamatayan para kunin ang buhay ng ina. Alam ko na magiging mahirap ang pagdadaanan kapag siya ang nawala. Kaya nakiusap akong imbes na ang kanilang ina ay ang kalabaw na lamang. Tungkol naman sa sirang sahig sa bakuran ng malaking bahay ay napansin ko kasi na ang laman ng butas na iyon ay ginto. Cumulus hindi karapat-dapat na malaman iyon ng may-ari ng bahay kaya naisipan kong takpan na lamang ito at ibigay sa mag-anak.”

Aral:
Lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may kaakibat na dahilan, masakit man ito o hindi para sa ating kalooban. Hindi man natin malaman ang dahilan sa ngayon ay ang mahalagang naisapuso natin ay iyong dapat na tiwala natin sa Panginoon sa kanyang desisyon para sa ating buhay.