Thursday, August 27, 2009

Ang Pabuya

by:Jurelie Nikki V. Aguino



Sa isang piging, nagtipon-tipon ang mga magsasaka para sa isang pagbubunyi sa isang masaganang ani. Ito ay taunang ginaganap sa bahay ni Kapitan Brucio bilang pasasalamat at pagpapakita ng kaligayahan sa isa na namang matagumpay na anihan.


Si Kapitan Brucio bilang matalik na kaibigan ay pinaunlakan niya ng imbitasyon ang isang mayamang negosyante.


Ang paligid ay napakaingay dulot ng tawanan at kwentuhan ng mga tao. Kakikitaan ang lahat ng tunay na tagumpay sa bawat ngiti nila, isa nga itong piging!Ang mga pagkain ay nasa gitna ng pigingan, sa kaliwa nito’y ang mga kalalakihan na nag-iinuman, sa bandang kanan naman ang mga kababaihang nagkwekwentuhan, habang ang mga bata nama’y nasa palikuran nagtatakbuhan at naglalaro.


Habang ang lahat ay abala sa sarili nilang kasiyahan ay may pumasok na pulubi sa pigingan. Lahat ay nagtawanan at kung anu-ano ang sinabing pangungutya.


“Hoy, Benjo ang nawawala mong tatay!”, biro ng isang babae.


“Baliw, baliw, baliw!”, sigaw din ng karamihan.


Patuloy pa rin ang pangungutya ng lahat kahit walang imik ang pulubi.Lahat ay napakaingay ngunit lahat ay natahimik sa paghinto ng isang magarang sasakyan.


“Ito na ang mayamang negosyante na magbibigay sa atin ng pabuya!”, sigaw ng isang lalaki.


Bumukas ang pintuan ng kotse, ngunit nagulat ang lahat nang wala silang nakita.Biglang nagsalita ang pulubi at tinanggal ang sira-sirang sumbrero,

“Mga hangal, ang inyong hinihintay na pabuya ay matagal ng nasa inyong harapan! Ako ang mayamang negosyanteng magbibigay sa inyo ng pabuya ngunit isang kalapastangan ang inyong ipinakita! Ako na ay aalis at marami pa akong dapat gawin sa mga taong may pagkukusa sa pagpapakita ng tunay na kabaitan, sana’y inyong matandaan na kabutihan lang ang may pabuya!”

Natahimik ang lahat at nalungkot. Tila nawala na ang tunay na diwa ng kasiyahan.



Aral:
Hindi lahat ng pabuya ay sa marangyang kaanyuan nagkukubli!

Ang kabutihan ang tanging daan sa isang pabuya!


Ang Babaeng may Ginintuang Puso

by: Charmaine Joy Baltazar

Palaging nagsisimba ang magkapatid na Maria at Linda para ipagdasal ang paggaling ng kanilang lola dahil kasalukuyan itong nakikipaglaban sa sakit na kanser sa buto. Wala pa ni isang araw sa loob ng isang linggo ang hindi nila nakalimutang magsimba.

Gabi na nang magkaroon ng oras ang magkapatid na magsimba dahil tinulungan nila sa gawaing bahay ang kanilang ina at sa pag-aalaga sa kanilang lola. Sa bukana ng simbahan ay may nakita silang isang pulubi na may latang walang laman na kahit na piso ang nasa harapan nito. Hindi ito pinansin ni Linda at tuloy-tuloy itong pumasok sa loob ngunit dumukot ng sampung piso si Maria sa kanyang bulsa at ito’y inilagay niya sa lata.

“Para namang may kapalit ang ibinigay niyang tulong sa pulubi.”

“Ano iyon fairy tale? Nangarap lang!”

Himig natatawang wika ng mga taong kasabay niyang pumasok sa loob ng simbahan ngunit hindi niya ito pinansin dahil mabuti ang tumutulong kahit alam niyang wala itong kapalit.

Nang matapos magdasal ang magkapatid ay lumabas na sila ng simbahan para umuwi dahil gumagabi na at baka hinahanap na sila sa kanilang bahay. Paglabas nila ay nakita pa rin nila ang pulubi na ang laman pa rin ng kanyang lata ay ang perang ibinigay ni Maria.

“Kumain na kaya siya?” naisaisip tuloy ni Maria.

Tumigil siya.

“Linda, maglalakad nalang tayo ha. Ibibigay ko na lang itong pera para sa pamasahe natin baka hindi pa siya kumakain,” wika ni Maria habang dinudukot niya sa kanyang bulsa ang kanyang pera.

“Ano ba ate? Binigyan mo na nga siya kanina. Bakit litson ba ang gusto mong ipakain sa kanya?” naiiritang wika ni Linda.

“Linda, diba sabi nina Inay tumulong tayo sa mga nangangailangan habang mayroon pa tayo?” sagot ni Maria saka inilagay ulit niya sa lata ang pera.

“Ate!” pigil ni Linda na akmang kukunin ulit ang pera. Ngunit hinila na siya ni Maria.

“Halika na nga umuwi na tayo gabi na tiyak hinahanap na tayo nina Inay,” wika ni Maria.

“Iha teka!”narinig nilang pigil ng pulubi.

Sabay na napalingon ang magkapatid.

Maraming salamat,” nakangiting wika nito.

“Wala pong anuman,” sagot ni Maria.

“Mauna na po kami,” paalam niya dito.

Isang matamis na ngiti lang ang isinagot ng pulubi.

Ngunit bago pa sila makalayo sa simbahan ay nagulat sila sa isang nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa kalangitan, papalapit ito ng papalapit sa kinaroroonan nila.

Mula sa liwanag ay lumabas ang isang nilalang.

Maladiyosa ang ganda nito, maganda ang damit at kumikinang ang mga abubot sa kanyang katawan. Natuwa at namangha ang dalawa ngunit may takot rin silang nararamdaman dahil nawala bigla ang pulubi sa bukana ng simbahan.

“Oh! Anong klase kang nilalang?” natatawa ng tanong ni Linda.

“Linda, huwag ka ngang ganyan,” awat nito sa kapatid.

“Maria, may busilak kang puso dahil binigyan mo ako kanina ng limos para may pangkain. Ibibigay ko rin ang matagal mo nang kahilingan at ipinagdarasal,” wika ng Diyosa.

“Ah?” litong tanong ni Maria

.

“Ako ng pulubing binigyan mo ng limos. At tutuparin ko ang iyong kahilingan para sa iyong lola bilang sukli sa iyong ginawa,” wika ng Diyosa saka unti-unting nawala ito kasama ang liwanag.

“Totoo kaya iyon ate?” himig nahihiyang tanong ni Linda.

“Ewan! Kaya umuwi na tayo para makita natin si lola. Pero sana totoo iyon para hindi na mahirapan si lola,” sagot ni Maria.

.

“Oo nga ate. Pero nahihiya na tuloy ako at sa ipinakita kong pag-uugali kanina,” wika ni Linda.

“Hayaan mo na iyon basta sa susunod huwag mo ng uulitin iyon ha. Dapat tumulong tayo sa mga nangangailangan,” wika ni Maria.

“Oo ate,” nakangiti nang wika ni Linda.

“Sige uwi na tayo, gabi na eh,” yaya na ni Maria.

Tumango lang si Linda saka sumunod sa kanyang kapatid.

Masayang umuwi ang magkapatid.