Wednesday, August 26, 2009

Naku Naman!!!

by: Hazel Joy L. Corpuz

Si Marco, Polo at Blas ay masisipag na magkakapatid. Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na pumunta sa bayan para ibigay ang mga bagong pitas na gulay at mga gamit pangtinda ng kanilang tiya. Bilang nakakatandang kapatid, binitbit ni Marco ang isang sako ng kamatis. Binitbit naman ni Polo ang dalawang basket ng upo at binitbit naman ni Blas ang pangkilo, mga supot at upuan na maliit. Habang sila'y naglalakad papunta sa bayan, marami ang nakakita sa kanila.

"Tingnan mo ang mga batang iyon, hinahayaan nalang ang kanilang kapatid na bibitin ang napaka bigat na sako, hindi ba't napakasakit nun sa balikat?"

Narinig ito ni Polo kaya't ipinabitbit kay Blas ang kaniyang dalawang basket at tinulungan si Marco. Inisip ni Polo na tama na ang kanyang ginawa, kaya't ipinagpatuloy ulit nila ang paglalakad. Pinagtitignan na naman sila ng mga tao.

"Tingnan mo ang dalawang iyon, hinayaan nalang nila ang kanialang kapatid na bibitin ang dalawang basket, pangkilo, mga supot at upuan, habang sila'y isang sako lamang ang binitbit, hindi ba't kawawa naman ang batang iyon."

Napaisip si Marco at kinuha lahat ng bitbit ni Blas at siya na mismo ang bumitbit ng mga ito. Ipinagpatuloy na ulit nila ang kanilang paglalakbay. Masaya na sila dahil sa akala nila'y tama na ang kanilang ginagawa ng biglang pinagtitinginan ulit sila.

"Tingnan mo ang batang iyon, ni wala man lang bitbit.Hinayaan na lamang niya ang kaniyang kapatid na bitbitin ang lahat."

Narinig ni Blas ang mga tugon ng mga tao kayat kinuha niya ulit ang pangkilo, supot at maliit na upuan. Napangiti siya dahil alam niyang wala nang masasabi ang mga tao. Ipinagpatuloy na naman nila ang kanilang paglalakad ng pinagtitinginan na naman sila ng mga tao.

"Tingnan mo ang batang iyon, hinahayaan nalang ang batang kapatid nila na maglakad sa ganitong katinding araw. Hindi man lang sila naawa sa kanya."

Narinig ito ni Marco kaya't dali-dali niyang binuhat si Blas sa kanyang balikat. Ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakad ngunit pinagtawanan sila ng mga tao dahil sa kanilang lagay. Natapilok si Marco at nahulog lahat ng kanilang bitbit kasama ni Blas. Nasira ang mga gulay dahil sa pagkahulog nito at nasugatan rin sa binti si Blas. Hindi narin sila nakaabot sa kanilang tiya. Nauna nang umuwi si Polo para sa sabihin sa kanilang ina ang nangyari.

"Iyan kasi! Pinaniniwalahan niyo ang mga ipinagsasabi ng iba sa inyo!!! Kung hindi niyo nalang sa diniig ang mga pinagsasabi nila 'di naibigay niyo na sana ang mga gulay sa inyong tiya!!!"

Napagalitan nga sila, nasayang pa ang mga bagong pitas na gulay at nasugatan pa si Blas.




No comments:

Post a Comment