Saturday, August 29, 2009

Anim na Piso

ni Kayla Janica G. Ruiz

Ang simoy ng hangin ay tila nagbabadya ng bagong simula. Sa lungsod ng Laoag, umaga pa lamang ay nasa bintana na si Lino, walang kibong tumititig sa matirik na araw. Hindi maikukubli sa batang ito ang bunga ng kahirapan. Sabay tunog ng kampana, “Lino ano tinatamad ka na bang magtrabaho, tumayo ka na at lumakad siguradong marami kang kostumer ngayon,” ang wika ni Mang Tonyo.

Tanaw ni Lino ang isang pamilyang puno ng galak na naglalakad tungo sa simbahan. Bakas sa mukha nito ang inggit sa paghangad ng masaganang pamumuhay at masayang tahanan. Sa sikip ng kanilang bahay dinig niya ang hagulgol ng ina dala ng ubo at doo’y nagpaalam, “Alis na po ako inay,”


Bitbit ni Lino ang kapirasong tela at pangpakislap. Lagi niyang nadadaanan ang simbahan dahil dito ang ruta tungo sa kanyang pwesto ngunit ni minsa’y di pa siya nakakapasok rito dahil sa kakulangan ng pangaral at gabay ng kanyang mga magulang.

Tiniis niya ang gutom sa maghapong paghihintay ng mapagseserbisyuhan, umuwi siyang dadalawang-piso ang laman ng bulsa. Hindi makatulog ang batang paslit na nasa isip ang karamdaman ng ina na napakahina. Sa sumunod na araw, mabigat sa kalooban niyang tumayo pa dahilan sa kakarampot niyang kita sa buong araw niya sa labas ay wala man lang siyang maiiaabot na gamot sa kanyang ina.


Nasilayan niya ang isang pulubi sa simbahan na nakaupo. Sa bawat hulog ng ilang barya sa lata ay ramdam niyang mas madali iyong gawin kaysa sa pakintabin ang sapatos ng mga tao.


Laking gulat ng ama ni Lino nang isang kinakawalang na lata ang bitbit nito papaalis ng kanilang bahay. “Itay, nais ko pong mamalimos na lamang ,mas magaan pa at walang gastos,” ang paglalahad ng bata.


Batid ng ama ang hirap ng anak at sakit ng kanyang kalooban sapagkat bata pa lamang ito’y siya na ang bumubuhay sa kanila. Ngunit siya nama’y umiinom maghapon sa kanto.


Pumwesto si Lino sa harap ng simbahan, inihanda ang lata at naghintay sa mga deboto.
Nasulyapan ng isang ginang si Lino, na ramdam din ang karukhaan ng buhay. Laking tuwa ng bata nang bigyan siya ng anim na piso. Iti nabi ng ginang ang isang piso na panlilimos niya sa simbahan. Nakita ng bata ang itabing piso sa pitaka ng ginang kaya hinabol niya ito at nakiusap, "Ale, alam ko po na may isang piso pang naiwan sa inyong pitaka, maari po bang saakin na lamang ito?"

Ang siyam na taong bata ay sadyang mangmang, hindi pa nakuntento sa sa anim na pisong iniabot ng ginang. Hinaplos ng ginang ang marungis na mukha ni Lino at pinagmasdan ang inosenteng niyang mga mata. Pinilit niyang intindihin ang kalagayan ng paslit at nagiwan ng pangaral,"Ang pera ay tulad rin ng araw, binigyan tayo ng Diyos ng anim na araw na kalayaan kaya dapat sa bawat linggo ay dapat ilaan sa kanya para makapiling siya".



Friday, August 28, 2009

Ang Hardin ng Aral

by: Alyssa Andrea Barangay

Sa isang bario may isang matandang dalaga na mahilig magtanim ng mga gulay. May iba’t ibang klase ng gulay siyang tanim katulad ng talong, upo, kalabasa, okra, ampalaya at marami pang iba. Araw-araw niya itong dinidiligan, binibisita at kinakausap rin niya ang mga ito. Pero ang mga gulay na iyon ay hindi niya ipinagbibili o ipinamimigay,siya lang ang nakikinabang ditto.

Ang matanda ay hindi masyadong lumalabas sa kanyang bahay. Hindi rin siya pala kaibigan o nakikipag-usap sa kanyang mga kapitbahay. Ni wala ring dumadalaw na kaibigan o kamag-anak dito. Kaya hindi rin siya pinapansin ng kanyang mga kapitbahay. Dahil dito napapagkamalan at sinasabi na rin ng iba na mangkukulam daw ito. Pero ang matanda ay walang pakialam sa kanilang mga pinagsasabi.

Isang araw naiwang bukas ang bakod ng bahay ng matanda. May isang babaeng palihim na pumasok sa bakuran ng bahay para kumuha ng mga gulay. Habang kumukuha ng gulay ang babae ay bigla dumating ang matanda. Pinagsisigawan at pinaghihinila niya ang babae. Humingi ng tawad ang babae sa matanda pero hindi niya ito pinansin. Walang nagawa ang babae kundi lisanin ang bahay ng matanda. Nagawa ito ng babae dahil

walang kakainin ang kanyang mga anak, halos tatlong araw na silang hindi kumakain. Pagkaraan ng ilang linggo sinalakay ng mga peste ang gulayan ng matanda. Ang pangyayaring ito ay hindi niya inasahan, wala ni isang gulay ang natira lahat ay inubos ng mga nasabing peste. Ang lahat ng pagod ng matanda ay nabalewala dahil sa nasabing pangyayari. Labis na nalung kot ang matanda,samantalang ang kanyang mga kapit bahay ay tuwang-tuwa sa nangyari bahil nga sa maramot nga ang matanda.

Pagkaraan ng ilang araw napagtanto ng kanyang mga kapitbahay na tulungang muling buhayin ang hardin ng matanda. Tuwang tuwa ang matanda sa ipinapakita ng kanyang mag kapitbahay. Nagtulungan silang magtanim ng mga gulay masayang-masaya nila itong ginawa. Mabilis na lumipas ang araw at panahon na ng anihan. Ang mga unang ani ng matanda ay ibinahagi niya sa lahat ng tumulong sa kanya at maging sa kanyang mga kabario. Sila ay nagdiwang dahil sa kanilang magandang ani.

Mula noon kapag mag-aani ang matanda binibigyan na niya ang kanyang mga kapitbahay at ang kanyang hardin ay bukas na rin para sa sinoman na nangangailangan ng makakain. Minahal at kaibigan narin niya lahat ang mga tao sa kanila. At hindi na rin bumalik pa ang mga peste sa kanilang bario. At dahil sa mga pangyayaring iyon maraming matutunan ang matanda, salamat sa kanyang hardin.

Thursday, August 27, 2009

Ang Pabuya

by:Jurelie Nikki V. Aguino



Sa isang piging, nagtipon-tipon ang mga magsasaka para sa isang pagbubunyi sa isang masaganang ani. Ito ay taunang ginaganap sa bahay ni Kapitan Brucio bilang pasasalamat at pagpapakita ng kaligayahan sa isa na namang matagumpay na anihan.


Si Kapitan Brucio bilang matalik na kaibigan ay pinaunlakan niya ng imbitasyon ang isang mayamang negosyante.


Ang paligid ay napakaingay dulot ng tawanan at kwentuhan ng mga tao. Kakikitaan ang lahat ng tunay na tagumpay sa bawat ngiti nila, isa nga itong piging!Ang mga pagkain ay nasa gitna ng pigingan, sa kaliwa nito’y ang mga kalalakihan na nag-iinuman, sa bandang kanan naman ang mga kababaihang nagkwekwentuhan, habang ang mga bata nama’y nasa palikuran nagtatakbuhan at naglalaro.


Habang ang lahat ay abala sa sarili nilang kasiyahan ay may pumasok na pulubi sa pigingan. Lahat ay nagtawanan at kung anu-ano ang sinabing pangungutya.


“Hoy, Benjo ang nawawala mong tatay!”, biro ng isang babae.


“Baliw, baliw, baliw!”, sigaw din ng karamihan.


Patuloy pa rin ang pangungutya ng lahat kahit walang imik ang pulubi.Lahat ay napakaingay ngunit lahat ay natahimik sa paghinto ng isang magarang sasakyan.


“Ito na ang mayamang negosyante na magbibigay sa atin ng pabuya!”, sigaw ng isang lalaki.


Bumukas ang pintuan ng kotse, ngunit nagulat ang lahat nang wala silang nakita.Biglang nagsalita ang pulubi at tinanggal ang sira-sirang sumbrero,

“Mga hangal, ang inyong hinihintay na pabuya ay matagal ng nasa inyong harapan! Ako ang mayamang negosyanteng magbibigay sa inyo ng pabuya ngunit isang kalapastangan ang inyong ipinakita! Ako na ay aalis at marami pa akong dapat gawin sa mga taong may pagkukusa sa pagpapakita ng tunay na kabaitan, sana’y inyong matandaan na kabutihan lang ang may pabuya!”

Natahimik ang lahat at nalungkot. Tila nawala na ang tunay na diwa ng kasiyahan.



Aral:
Hindi lahat ng pabuya ay sa marangyang kaanyuan nagkukubli!

Ang kabutihan ang tanging daan sa isang pabuya!


Ang Babaeng may Ginintuang Puso

by: Charmaine Joy Baltazar

Palaging nagsisimba ang magkapatid na Maria at Linda para ipagdasal ang paggaling ng kanilang lola dahil kasalukuyan itong nakikipaglaban sa sakit na kanser sa buto. Wala pa ni isang araw sa loob ng isang linggo ang hindi nila nakalimutang magsimba.

Gabi na nang magkaroon ng oras ang magkapatid na magsimba dahil tinulungan nila sa gawaing bahay ang kanilang ina at sa pag-aalaga sa kanilang lola. Sa bukana ng simbahan ay may nakita silang isang pulubi na may latang walang laman na kahit na piso ang nasa harapan nito. Hindi ito pinansin ni Linda at tuloy-tuloy itong pumasok sa loob ngunit dumukot ng sampung piso si Maria sa kanyang bulsa at ito’y inilagay niya sa lata.

“Para namang may kapalit ang ibinigay niyang tulong sa pulubi.”

“Ano iyon fairy tale? Nangarap lang!”

Himig natatawang wika ng mga taong kasabay niyang pumasok sa loob ng simbahan ngunit hindi niya ito pinansin dahil mabuti ang tumutulong kahit alam niyang wala itong kapalit.

Nang matapos magdasal ang magkapatid ay lumabas na sila ng simbahan para umuwi dahil gumagabi na at baka hinahanap na sila sa kanilang bahay. Paglabas nila ay nakita pa rin nila ang pulubi na ang laman pa rin ng kanyang lata ay ang perang ibinigay ni Maria.

“Kumain na kaya siya?” naisaisip tuloy ni Maria.

Tumigil siya.

“Linda, maglalakad nalang tayo ha. Ibibigay ko na lang itong pera para sa pamasahe natin baka hindi pa siya kumakain,” wika ni Maria habang dinudukot niya sa kanyang bulsa ang kanyang pera.

“Ano ba ate? Binigyan mo na nga siya kanina. Bakit litson ba ang gusto mong ipakain sa kanya?” naiiritang wika ni Linda.

“Linda, diba sabi nina Inay tumulong tayo sa mga nangangailangan habang mayroon pa tayo?” sagot ni Maria saka inilagay ulit niya sa lata ang pera.

“Ate!” pigil ni Linda na akmang kukunin ulit ang pera. Ngunit hinila na siya ni Maria.

“Halika na nga umuwi na tayo gabi na tiyak hinahanap na tayo nina Inay,” wika ni Maria.

“Iha teka!”narinig nilang pigil ng pulubi.

Sabay na napalingon ang magkapatid.

Maraming salamat,” nakangiting wika nito.

“Wala pong anuman,” sagot ni Maria.

“Mauna na po kami,” paalam niya dito.

Isang matamis na ngiti lang ang isinagot ng pulubi.

Ngunit bago pa sila makalayo sa simbahan ay nagulat sila sa isang nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa kalangitan, papalapit ito ng papalapit sa kinaroroonan nila.

Mula sa liwanag ay lumabas ang isang nilalang.

Maladiyosa ang ganda nito, maganda ang damit at kumikinang ang mga abubot sa kanyang katawan. Natuwa at namangha ang dalawa ngunit may takot rin silang nararamdaman dahil nawala bigla ang pulubi sa bukana ng simbahan.

“Oh! Anong klase kang nilalang?” natatawa ng tanong ni Linda.

“Linda, huwag ka ngang ganyan,” awat nito sa kapatid.

“Maria, may busilak kang puso dahil binigyan mo ako kanina ng limos para may pangkain. Ibibigay ko rin ang matagal mo nang kahilingan at ipinagdarasal,” wika ng Diyosa.

“Ah?” litong tanong ni Maria

.

“Ako ng pulubing binigyan mo ng limos. At tutuparin ko ang iyong kahilingan para sa iyong lola bilang sukli sa iyong ginawa,” wika ng Diyosa saka unti-unting nawala ito kasama ang liwanag.

“Totoo kaya iyon ate?” himig nahihiyang tanong ni Linda.

“Ewan! Kaya umuwi na tayo para makita natin si lola. Pero sana totoo iyon para hindi na mahirapan si lola,” sagot ni Maria.

.

“Oo nga ate. Pero nahihiya na tuloy ako at sa ipinakita kong pag-uugali kanina,” wika ni Linda.

“Hayaan mo na iyon basta sa susunod huwag mo ng uulitin iyon ha. Dapat tumulong tayo sa mga nangangailangan,” wika ni Maria.

“Oo ate,” nakangiti nang wika ni Linda.

“Sige uwi na tayo, gabi na eh,” yaya na ni Maria.

Tumango lang si Linda saka sumunod sa kanyang kapatid.

Masayang umuwi ang magkapatid.

Wednesday, August 26, 2009

Ang Babaeng Mapera

by: Robin Giller T. Agustin

Sa maunlad ba bayan ba San Martin nakatira si Grace. Ang kaisa-isang anak na mag-asawang Melody at Lao Legazpi na siyang nagmamay-ari ng pinakamalaking mall sa lungsod. Dahil nakatataas sa antas ng buhay, labis-labis pa sa kanayang kinakailangan ang naibibigay sa kanya. Lahat ng bagay na gusto niya maging mga luho ng katawan ay nakukuha niya sa isang pitik lang. Ngunit mayaman man siya sa mga materyal na bagay, salat at kapos naman siya sa pagmamahal lalung-lalo na ng atensyon ng kanyang mga magulang.

Lumaki siyang "spoiled brat" dulot na rin ng kawalan ng sapat na gabay at atensyon sa kanya ng kanyang mga magulang. Nasanay siyang lahat ng bagay ay nadadaan sa pera hanggang dumating sa puntong pati ang mga trato sa kanya ng kapwa niya tao ay binibili na rin niya tulad ng pakikipagkaibigan.

Isang araw, naimbitahan siya sa isang kasiyahan kung saan una niyang nakita sa Karl, isang matipunong lalake. Agad niyas itong linapitan tsaka nakipagkilala. Simula noon, binuntunan na ni Grace ang binata saan man ito magtungo. Halatang-halata naman na ayaw ni Karl sa kanya ngunit pilit pa rin niyang ipinagsisikapan ang kanyang sarili dito, Hanggang isang araw, kinausap siya ng binata ng masinsinan.

"Bakit mo ba ko binubuntutan lagi?" tanong ng binata kay Grace.

"Hindi pa ba halata na gusto kita?" sagot ng dalaga kay Karl.

"Hindi rin ba halata na ayaw ko sa 'yo?" sumbat naman ni Karl.

"Ano pa bang ayaw mo sa akin? Maganda naman ako at tsaka..." ani ni Grace.

Hindi pa tapos magsalita si Grace nang binato siya ni Karl ng tseke.

"Ano 'to?" tanong ni Grace.

"Bayad mo" sagot naman ni Karl. "Bayad mo upang tantanan mo na ko."

Nagulat ng husto si Grace sa ginawa sa kanya ni Karl sapagka't di niya sukat akalain na magagawa sa kanya ang ginagawa niya sa iba, ang bayaran ang isang tao sa walang kabuluhang rason. Kaya naman nagbago na siya simula noon sapagkat naramdaman niya ang pakiramdam ng minamaliit at tinatapakan ang pagkatao.

Naku Naman!!!

by: Hazel Joy L. Corpuz

Si Marco, Polo at Blas ay masisipag na magkakapatid. Isang araw inutusan sila ng kanilang ina na pumunta sa bayan para ibigay ang mga bagong pitas na gulay at mga gamit pangtinda ng kanilang tiya. Bilang nakakatandang kapatid, binitbit ni Marco ang isang sako ng kamatis. Binitbit naman ni Polo ang dalawang basket ng upo at binitbit naman ni Blas ang pangkilo, mga supot at upuan na maliit. Habang sila'y naglalakad papunta sa bayan, marami ang nakakita sa kanila.

"Tingnan mo ang mga batang iyon, hinahayaan nalang ang kanilang kapatid na bibitin ang napaka bigat na sako, hindi ba't napakasakit nun sa balikat?"

Narinig ito ni Polo kaya't ipinabitbit kay Blas ang kaniyang dalawang basket at tinulungan si Marco. Inisip ni Polo na tama na ang kanyang ginawa, kaya't ipinagpatuloy ulit nila ang paglalakad. Pinagtitignan na naman sila ng mga tao.

"Tingnan mo ang dalawang iyon, hinayaan nalang nila ang kanialang kapatid na bibitin ang dalawang basket, pangkilo, mga supot at upuan, habang sila'y isang sako lamang ang binitbit, hindi ba't kawawa naman ang batang iyon."

Napaisip si Marco at kinuha lahat ng bitbit ni Blas at siya na mismo ang bumitbit ng mga ito. Ipinagpatuloy na ulit nila ang kanilang paglalakbay. Masaya na sila dahil sa akala nila'y tama na ang kanilang ginagawa ng biglang pinagtitinginan ulit sila.

"Tingnan mo ang batang iyon, ni wala man lang bitbit.Hinayaan na lamang niya ang kaniyang kapatid na bitbitin ang lahat."

Narinig ni Blas ang mga tugon ng mga tao kayat kinuha niya ulit ang pangkilo, supot at maliit na upuan. Napangiti siya dahil alam niyang wala nang masasabi ang mga tao. Ipinagpatuloy na naman nila ang kanilang paglalakad ng pinagtitinginan na naman sila ng mga tao.

"Tingnan mo ang batang iyon, hinahayaan nalang ang batang kapatid nila na maglakad sa ganitong katinding araw. Hindi man lang sila naawa sa kanya."

Narinig ito ni Marco kaya't dali-dali niyang binuhat si Blas sa kanyang balikat. Ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakad ngunit pinagtawanan sila ng mga tao dahil sa kanilang lagay. Natapilok si Marco at nahulog lahat ng kanilang bitbit kasama ni Blas. Nasira ang mga gulay dahil sa pagkahulog nito at nasugatan rin sa binti si Blas. Hindi narin sila nakaabot sa kanilang tiya. Nauna nang umuwi si Polo para sa sabihin sa kanilang ina ang nangyari.

"Iyan kasi! Pinaniniwalahan niyo ang mga ipinagsasabi ng iba sa inyo!!! Kung hindi niyo nalang sa diniig ang mga pinagsasabi nila 'di naibigay niyo na sana ang mga gulay sa inyong tiya!!!"

Napagalitan nga sila, nasayang pa ang mga bagong pitas na gulay at nasugatan pa si Blas.




Ang Dalawang Magkaibigan at ang Alipin

by: Vincent John A. Alipio

Sa isang lugar, mayroong isang taong nagngangalang Danny. Si Danny ay isang magaling na negosyante. Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, nakapagpatayo siya ng isang negosyo, isang malaking tindahan. Si Danny ay may isang matalik na kaibigan na si Roberto. Sobrang laki ng binibigay na tiwala ni Danny sa kanya. Itinuturing na rin niya na parang isang kapatid. Dahil rito, kinuha niya si Roberto bilang kanyang kasosyo sa sariling negosyo. Isang araw, mayroong aliping lumapit kay Danny at ito ay nagpapakaawa sa kanya na bigyan siya ng trabaho sa kanyang tindahan kahit man lang taga-linis o tagapagsilbi sa kanya.

“Maawa po kayo, bigyan niyo po ako ng trabaho sa inyong negosyo, kahit ano pong trabaho gagawin ko. Wala kasi akong maipakakain sa aking pamilya” sabi ng alipin.
Dahil sa pagiging maawain ni Danny, tinanggap niya ang alipin.

Sa sumunod na araw, nagulat na lang si Robert ng makita ang alipin. Pero kaagad namang ipinaliwanag ni Danny. Paglipas ng panahon, naging mas malapit na ang alipin kay sa kay Roberto. Dahil rito, nagplano siya ng hakbang upang mapaalis ang alipin.

Isang araw, nawala ang pera sa tindahan ni Danny. Walang taong nakakita kung sino ang nagnakaw ng pera pero natadnan nila na ang alipin lang ang nasa loob ng tindahan ngnaganap ang insidente.

“Sino pa ba ang sisisihin kundi ang salot na alipin na iyan!”

“Totoo ba iyon?” tanong ni Danny sa alipin.

“Hindi po mahal na ginoo, alam kong ako lamang ay isang alipin pero alam ko ang tama sa mali” sagot ng alipin.

“Sinungaling! Alam kong ikaw ang kumuha dahil paglabas ko kanina dito sa tindahan, mayroon pa ang mga pera at ikaw lang ang tao rito sa loob ng panahong iyon” sabi naman ni Roberto.

“Hindi po ako ang may kasalanan!” depensa ng alipin.

“Sino ba ang paniniwalaan mo Danny, ako na matagal mo nang kaibigan o ang aliping iyan na tanging gusto sa iyo ay ang iyong pera?” tanong ni Roberto kay Danny.

“Pasensya na, pero dapat mong bayaran ang iyong kasalanan” sabi ni Danny sa alipin.

Pumanig na si Danny kay Roberto at ipinag utos nito na hatulan ng parusang kamatayan ang alipin. Tuwang tuwa si Roberto sa nangyari. Siya ay nagtagumpay sa kanyang plano. At doon, pinatay na ng tuluyan ang alipin ng walang batid na kasalanan.

Hindi nagtagal ang kasiyahan ni Roberto. Nalaman na ni Danny na walang kasalanang ginawa ang alipin at nalaman narin niya na si Roberto ang nagnakaw sa pera. Agad ng pinalayas ni Danny si Roberto sa kanyang buhay. Laking pagsisisi naman ang nararamdaman niya sa paghuhusga sa alipin na minsa’y kanyang naging kaibigan niyang matalik.

ARAL:
Huwag basta-bastang husgahan ang isang tao batay sa kanyang panlabas na anyo. Alamin muna ang katotohanan bago magdesisyon at huwag masyadong ibuhos ang lahat ng iyong tiwala sa isang tao lalo na kung hindi mo lubos na kilala.