Tuesday, September 15, 2009

Ang Pulubi at ang Matandang Dalaga

ni Traisy Mici Canales

“Ano ba? Hindi ba’t sabi kong itali niyong mabuti ang inyong mga kambing! Abay kinakain na nila ang mga pananim ko, mas mahal pa ang halaman na iyan kaysa sa buhay niyo!”
“Pasensya na po talaga Donya Ageda,” ang pagpapaumanhin ni Aling Mena. Ganyan kung ipahiya ng Donya ang kanyang mga kapitbahay. Wala siyang pinipiling salita, nakakasakit man ito, kanya pa ring sinasabi. Bata man o matanda wala siyang pinipiling edad. Laki sa magara at mala-palasyong bahay si Donya Ageda. Sa kanila ng maginhawang buhay na ito nababalot siya ng kalungkutan sapagkat siya’y mag-isa at wala nang pamilya. Nais man siyang kaawaan ng tao ay mas pinipili na lamang nilang manahimik dahil sa kasamaan ng ugali nito. Masungit, maramot at walang awa si Donya Ageda. Kahit bunga ng punongkahoy lamang na tumutubo sa kanyang bakuran ay kanyang ipinagdadamot. Kahit na magmakaawa ang kanyang mga kapitbahay upang humingi ng tulong ay wari wala siyang naririnig at nagbubulag-bulagan. Wala ni isa man sa kanila ang makalapit ng diretso sa Donya dahil nangangamba sila na baka pagsalitaan lamang sila ng masasakit nito. Wala siyang maituturing na kaibigan dahil mismo siya, ayaw niyang lapitan ang kanyang mga kapitbahay.
“Hindi ko aaksayahin ang panahon ko upang makipag-usap sa mga pulubing iyan. Igugugol ko na lamang ang aking panahon sa pagmasid s' aking palasyo.” Ang sa isip ng Donya habang nakaupo siya sa malambot niyang sofa.

Isang bagyo ang sumalanta sa kanilang pook. Mag-iisang linggo na ay hindi pa rin tumitila ang ulan. Lubog na sa baha ang mga bahay ng mga tao maliban sa bahay ni Donya Ageda. Naglakas-loob ang isa sa matandang lalake upang humingi ng tulong sa Donya. Kinatok niya ng kinatok ang mala-higanteng bakod ng bahay ng Donya. Lumabas ang Donya na galit na galit.
“Ano bang klase ng tao ka at nangingistorbo sa pagpapahinga ng isang Donya na kagaya ko?” galit na wika ng matanda. “Parang awa niyo na po, tulungan mo kami Donya Ageda. Lubog na sa baha ang aming tahanan. Maari ba kamimg makisilong sa inyong bahay?” pagmamakaawa ng lalake.
“Ang kapal ng mukha mong sabihin sa akin iyan, matanda! Hindi pugad ng marurumimg tao ang aking tahanan na basta niyo na lang titirhan!” sabay sara ng pinto. Walang nagawa ang mga tao kundi umalis ng bigo. Sumunod na kumatok ang isang matandang babae na gusgusin at mabaho. Sinadya na si Donya Ageda upang makahingi ng makakain dahil gutom na gutom siya at kasabay pa ng pagbugso ng malakas na ulan. Galit naman na binuksan ng Donya ang pinto ng kanyang bakod at nagwika “Ano na naman?” galit na sigaw ng Donya.
“Kung maari lamang po ay bigyan niyo ako ng kahit kaunting makakain. Gutom na gutom na ako.” Pagmamakaawa ng matanda.
“At sino ka upang bigyan kita ng pagkain? Lumayas ka nga at ang baho-baho mo!” pagtataboy ng Donya. Nagmakaawa ang matandang pulubi ngunit dali-daling nang isinara ng Donya ang pinto. Kinagabihan inapoy ng lagnat ang Donya dahil sa matinding lamig ng panahon. Mataas ang kanyang lagnat at hindi na siya makabangon upang kumuha ng makakain. Ang akala niya’y mamamatay na siya ng biglang may pumasok sa kanyang silid. Laking gulat niya ng makita ang matandang dalaga na may dala-dalang mainit na sabaw. Magagalit sana siya ngunit wala na siyang lakas upang gawin pa ito. Pinakain siya ng pulubi at kanya itong naubos. Pagkaubos sa sabaw ay lumakas na siya.
“Maraming salamat, patawarin mo ako kung naging maramot ako sa iyo. Ngayon ko napagtanto ang aking kamalian. Alam ko na mali ako, maraming salamat.” at napahagulhol na ang Donya.
“Wala ito, masaya ako at alam mo na ang tama.” at niyakap na niya ang Donya.

ARAL:
1.) Matutong tumulong sa mga nangangailangan lalo na kung nasa iyo ang kapasidad na tumulong.
2.) Huwag maliitin ang kapwa bagkus mahalin sila.
3.) Huwag maging mapagmataas dahil ang lahat ng karangyaan sa buhay ay maari ring mawala.

No comments:

Post a Comment